Sunday, March 12, 2017

Kabanata 12: Si Placido Penitente


Buod ng Kabanata 12:
     -Ang Kabanata 12 ay sumusubaybay sa buhay ppag-aaral ni Placido Penitente ngunit mas ibinubuklod ng kabanatang ito ang iba't-ibang uri ng mga mag-aaral mula sa iba't-ibang unibersidad, lalong-lalo na sa Unibersidad ng Santo Tomas kung saan nag-aaral si Placido Penitente, at ang kanilang damdamin ukol sa pagpasok sa paaralan.

Ang ugnayan ng bidyo sa kabanata:
     -Ang bidyo ay pumapatungkol sa kahulugan ng walang kinikilingan at hindi marangal na pagtrato ng mga tao sa lipunan sa isang tao na para sa kanila ay hindi napabilang sa kanilang kinabibilangan na grupo mapa sa relihiyon, paniniwala, uri o lahi ng isang tao na nagreresulta sa diskriminasyon na mararanasan ng taong naiba sa lipunan. Kung iuugnay ito sa kabanata 12 ay sumisimbolo ito sa mga katangian ng mga prayle at propesor sa iba't-ibang unibersidad ng Maynila sapagkat ang kanilang pagtrato sa isang mag-aaral ay nagdedepende sa kung gaano kahalaga ang ibibigay ng mag-aaral sa kanila, mapa pera o mamahaling bagay habang ang mga mag-aaral na tapat at walang maibigay sa kanila ay sadyang bibigyan ng walang hustisya na gawain o parusa. Ito ang isang rason kung bakit hinahangad ni Placido Penitente na tumigil na lamang sa pag-aaral at mas mabuti pang magtrabaho sa kanilang lalawigan. 

Ang ugnayan ng kabanata sa sarili:
     -Maihahalintulad ko ito sa aking sarili sapagkat saksi ako sa isang isyu na pumapalibot hindi lamang sa lipunan kundi sa loob ng paaralan ang kawalan ng hustisya at pagkakaroon ng diskriminasyon. Hindi maikakaila na mayroon talagang hindi pagkakapantay-pantay na pagtrato ng isang guro sa kanyang mga estudyante depende sa kung ano ang maibibigay na kagustuhan ng estudyante sa kanya: isa ba itong bagay, pera, pagiging malapit sa magulang ng mag-aaral o pagiging matalino sa klase. Isa ako sa taong hindi binibigyang parangal dahil wala akong maibibigay na bagay na katumbas ng pagbibigay ng guro ko ng magandang pagtrato o pagbigay ng mataas na grado sa akin, isa akong tapat sa kung ano ang alam ko ay tama at binibigyang halaga ang bagay na alam ko na kaya kong makamit dahil sa pagiging pursigido at matapat sa sarili, sa kapwa at sa bayan.

Bilang isang estudyante, bakit kailangang pag-aralan ang El Fili?
     -Ang pag-aaral ng El Filibusterismo ay parte ng pag-aaral sa kasaysayan ng bansang Pilipinas. Ang El Filibusterismo, na isinulat ni Dr. Jose Rizal, ang ating pambansang bayani, ay nagsisilbing simbolo sa kung ano ang nangyari sa bansa at sa mga mamamayang Pilipino noong panahon na iyon. Kahit isa lamang itong nobela at walang katotohanan ang mga karakter sa nobela at ang kanilang buhay ngunit ang kanilang pamumuhay sa loob ng pananakop ng mga Kastila ay ang nagsisilbing paglalarawan sa pangkalahatang pamumuhay at karanasan ng mamamayang Pilipino at ng bansang Pilipinas. Ito ang nagsisilbing tulay natin bilang mga tao sa kasalukuyang panahon na makibahagi at tumanaw sa pangyayari na nagsisilbing nagbubuklod sa kasalukuyang bansa na kinabibilangan natin.

Bilang isang pinuno sa hinaharap, paano nyo ngayon hihikayatin na pahalagahan at basahin ang El fili?
     -Ang sabay na paghihikayat at paggabay sa mga mamamayang pumapalibot at napabilang sa kapangyarihan na mayroon ako ang pinaka-mabisang paraan upang mahikayat at mahimok ko ang kapwa ko mamamayang Pilipino na pahalagahan at basahin ang El Filibusterismo. Ang pagiging tunay na pinuno ay dapat na gabayan at nagsisilbing mabuting modelo upang masubaybayan at sumunod ang kanyang mga nasasakupan sa kanyang gawain na alam nila ay tama. Isa pa, ang pagbigay ng impormasyon patungkol sa nasabing nobela at ang kagandahan na ipinagkaluob nito sa pamamagitan ng mensaheng gusto nitong iparating mula sa ating pambansang bayani na siyang akda ng nobela upang atin itong magamit sa mga gawain o pangyayari na mararanasan natin sa kasalukuyan at sa hinaharap ang isang paraan upang mahikayat ko ang kapwa ko mamamayang Pilipino upang kanilang mapahalagahan ang El Filibusterismo na magiging isang antig na bagay na maipapasa mula henerasyon sa henerasyon.